
Mukhang at home na at home na si Eula Valdes sa kanyang bagong tahanan sa GMA-7.
Noong kunan kasi siya para sa Christmas station ID ng Kapuso network ay
kitang-kita ang pagiging masaya niya. Tila hindi naiilang si Eula sa mga bagong
makakasama niya sa trabaho.
Si Eula ang napapabalita na taga-ABS-CBN 2 na lumipat na sa GMA-7.
Kasama siya sa bagong action-fantasy series na Kamandag na pagbibidahan
ni Richard Gutierrez.
Ayon kay Eula, wala naman daw ibinibigay na bagong show sa kanya ang
Dos noong magtapos ang Maria Flordeluna. Matagal daw siyang naghintay,
pero kinakailangan na niyang maghanap ng trabaho. Nagkataon daw na nag-offer ang
GMA-7 at mabilis niya itong tinanggap.
"Maayos naman akong nagpaalam sa ABS-CBN," sabi ni Eula sa PEP
(Philippine Entertainment Portal). "Wala naman akong exclusive contract with
them kaya I can always work with any TV station. It just so happens na maganda
talaga ang offer ng GMA-7 and I can't say no to it.
"Kaya happy ako na maging Kapuso na. But nasa puso ko pa rin naman ang maging
isang Kapamilya dahil malaki ang naging utang na loob ko sa kanila."
Dahil sa paglipat ng istasyon ni Eula, marami tuloy ang nagbibiro sa
aktres na baka sinundan lang niya ang kaibigan niyang si Jean Garcia sa GMA-7.
Namamayagpag ngayon si Jean bilang primera kontrabida ng Kapuso network dahil sa
sunud-sunod nitong projects tulad ng Majika, Atlantika, Impostora, at
ngayon sa La Vendetta.
"Nagkataon lang magkasama kami ulit ng kumare ko. Masaya ako and I'm
looking forward working with her. Why not, di ba? Mabubuhay ulit ang tarayan
namin sa TV!" nakangiting sabi ni Eula, na unang nakasama si Jean sa soap opera
na Pangako sa ‘Yo.
Napag-alaman ng PEP na bukod sa Kamandag ay may isa pang
gagawing show si Eula sa GMA-7.
|