|
Madaling tumapak sa lupa ng iyong kagigisnang unibersidad para sa kinabukasan mo. Konting kaba lang ang dalahin ng mga balikat mo, pero ang matitira, dala-dala na ng mga paa mong bagaman ay nanginginig ay punung-puno naman ng lakas ng loob at paniniwalang kakayanin mo ang lahat. Ang hindi lang naman madali ay kung paano mo paninindigan ang mga salitang sinabi mo dala ng pagka-insecure mong freshie ka.
Ang pakiramdam ko'y isa pa rin akong estudyante ng dati kong paaralan, marahil ay sa dahilang hindi ko pa lubusang naiisip na labingpitong taong gulang na rin ako at isa na nga akong kolehiyala. Dahil dito, naisip ng Diyos na gisingin ako sa panaginip kong kumakapit sa nakaraan, at dalhin ako dito, kung saan tinuruan Niya ako ng mga bagay na kahit sinong propesor ay hindi magagawa. Mas okay pa siya sa acads. 'Pag pumalpak ka, pwede mong gawin ulit hanggang sa makuha mo na.
Hindi lahat ng bagay na inihambalos sa iyo ay basta-basta mo na lamang tatanggapin o iiwasan o aalisin. Nasa iyo ang responsibilidad na isipin kung ang isang bagay na iyon ay nararapat ba o hindi, dahil ikaw rin naman ang mapapahamak o kaya ay makakajackpot.
Oo, naiintindihan ko ang responsibilidad kong maging isang mapanuring indibidwal sa aking komunidad na kinagagalawan, ngunit sa tingin ko lahat naman, bata man o matanda, ay alam kung ano at kung paano na ang isang bagay ay magagawa nang maayos at tama, hindi 'yung binabaluktot ito para malupig tayo nang isa-isa. Nararapat lamang na lahat ng tao'y alam kung kailan sila tinutulungan o niloloko, at kung saan ang hangganan ng pagiging magalang sa puntong inaabuso ang pagpapakababa mo.
Maraming mga paraan na maaring gamitin upang ipahayag ang iyong nararamdaman, saloobin o opinyon sa isang bagay. Ikaw rin, magsisisi ka. Kung nagsalita ka, e 'di sana, may nagawa ka o nabago ka.
Bakit ko naisip 'yon? Tanda mo noong sinigaw-sigawan ako ng isang soro na, "HINDI KAMI LIABLE D'YAN, BLAHBLAH BLAHBLAH," matapos kaming maayos na nakiusap at nagtanong kung may ticket pa para sa isang play kung saan required 'yung kasama ko. Natameme kaming dalawa at nagkatitigan. Matapos ang ilang maitim naming mga balak ay umalis na rin ang kasama ko. Nalungkot tuloy ako.
Tangina, walang kwenta. Oo, maganda ang play at malaki ang produksyon nito, pero salamat naman at naroroon kami sa aisle nakaupo at pinapausod na naman kami ng soro. Kung uusod kami, 'yung pader na lang ang papanuorin namin! Aba naman! 'Yung nahuli na lang ang umupo doon!
Nakatabi namin 'yung kaklase ng kasama ko pang isa at sinabi niyang nakipag-away talaga siya doon sa soro at sinabi niyang required siya. Kasi 'pag required dapat nagrereserve sila ng tickets at dahil doon talo 'yung soro kaya't pinapasok siya.
Aba'y oo nga naman! Maayos naman kaming nakiusap, bakit niya kami sisigawan!? At saka bakit ang pangit at ang gulo ng sistema nila, kung ganoon lang pala ang kayang i-hold ng tanghalan, sana hindi nalang sila nagtinda ng ganoong karaming ticket o kaya nama'y inayos ang mga petsa kung saan ang ganitong numero ng manonood ang hahayaan lamang pumasok? Dapat pala alam ko kung dapat palampasin ang isang bagay at kung kailan hindi.
Marami rin akong naranasang ganitong sitwasyon. Lalung-lalo na 'pag recitation. Ang taas-taas na sana ng mga marka ko kung may kakayahan lang ako magsalita at pagkatiwalaan ang aking sagot. Pero hindi, pinipili ko ang pananahimik. Kaya't ngayon, ginagawa ko ang lahat para magkaroon ng sapat na tiwala sa sarili para makasagot nang tama. Ito ay para na rin maiwasan ko ang panghihinayang at pagpigil sa panununtok sa sarili.
Marunong ka dapat tumanaw ng utang na loob, marunong ka dapat tumulong sa kapwa mo, pero kung labag din lang naman sa loob mo na mangako na gagawin mo ang isang bagay, mas maiging tumanggi ka na lang. Hindi maganda 'yung hindi buo ang loob mo sa gagawin mong pabor para sa isang tao. Naiinis ako sa sarili ko 'pag lagi na lang akong napapa-oo.
Halimbawa, kakausapin ako ng mga estranghero at umo-oo pa rin ako. Nakakabarino talaga. O kaya nama'y pagod na pagod na ako at may kaibigan akong nangungulit na mamasyal, pumapayag pa rin ako. Hindi ako maka-hindi. Nakakapagsinungaling tuloy ako. Mayroon ding mga tao na pansin ko'y lumalapit lang para humingi ng pabor. Hinayaan ko pa kasing magkaganoon. Simula ngayon, dapat matuto akong humindi.
- Alamin mo kung kailan dapat lalong magpursigi at kung kailan dapat sumuko.
May mga bagay na mahirap gawin, at naroroon sila para sa dalawang dahilan, para masubukan ang katatagan mo sa pagpursigi sa bagay na ito, o kaya naman ay isa lang siyang direksyon na dadalhin ka kung saan ka nararapat. Usapang kurso ito. Kung sa tingin mo na sinusubukan ka lang, huwag kang sumuko! Natural lang naman na magkaroon ng mga balakid na ganito para matamo mo ang mga pangarap mo. Pero kung alam mo sa sarili mo na pinipilit mo na ang isang bagay, itigil mo na ito. Alam mo rin namang iba ang nakalaan para sa katuparan ng mga pangarap mo.
Huwag mong isipin na lahat ng tao ay naroroon para kainin ka nang buhay.
Nasanay lang ako sa paaralan ko dati. Ang tataray ng mga clerk, na akala mo naman parang araw-araw dinadatnan, ang taray din ng principal mo, akala kung sinong Miss Universe na ultimo'y hindi mo mabati dahil susupladuhan ka lang naman, ang tataray din ng mga pwedeng pagtanungan, kulang na lang ay bayaran mo sila bawat tanong mo sa kanila, at napakatataray ng mga guwardiyang akala mo namang sila na ang Diyos ng maliit naming gate. Tangina talaga 'pag naalala ko silang lahat.
Kaya siguro masyado akong kabado 'pag pumupunta sa mga taong may awtoridad. Halimbawa na lamang ang mga tao sa OCS, akala ko talaga sisigawan nila ako at sasabihing ganito ganyan. Pero hindi, nakipag-usap sila nang maayos at tinrato akong tao, hindi mangmang gaya na lang ng mga clerk sa amin. Lagi pa nga silang nakangiti at nangangamusta kahit hindi naman kayo close. Nang nalaman ko iyon, ang saya saya ng pakiramdam. Hay naku, kung pwede ko lang sabihin sa mga kamag-aaral ko sa dating paaralan na nanghihinayang ako dahil hindi ako sumasagot sa mga baluktot na pamamalakad ng eskwelahan namin, naku talaga! Napaka-pa-importante!
Isa pa, ang maganda kong propesor sa CMSC 56! Siya lang, sa lahat ng taong matandang may alam na namatayan ako ng lolo na nakiramay kahit papaano. Hindi mo rin naman masisisi ang iba dahil lagi namang may ganoon, pero ang pagpapakita na nakikiramay ka kahit daily routine na ito ay kakaiba. Kadakila talaga ng aking propesor! Idol ko siya to death!
- Never underestimate anybody.
Nag-ingles? Ang isa sa pinakapangit na maaring mong gawin ay ang pagbabaan mo ng tingin ang isang tao. Dapat alam mo na may alam sila na hindi mo alam. Nahihirapan din sila katulad ng paghihirap mo. Wala kang karapatan para sabihin na ang isang kurso ay "madali" lang dahil sa maunti ang ganito at ganyan, sa lahat-lahat! Sino ka naman para pagtaasan nila ng tingin at pag-isipan na, "O, ikaw na ang diyos!"
'Wag mong sasabihing, "Ay ang dali lang naman ng Math 11, ako nga Math 17 nga ang hirap-hirap!" o kaya naman, "DevCom lang naman 'yan, ako nga e, Engineering! Ang hirap kaya nun!" o kaya, "Buti nga Math 26 ka lang e, patay ka sa Math 36!" o, "Bakit naman pagpupuyatan mo pa 'yang insert GE subject here!?"
O ikaw na nga ang nahihirapan, parang ako hindi!?
Pantay-pantay tayong lahat, ang bawat isa ay may angking talento at ang bawat isa rin ay mayroong pagkukulang. Dapat naiintindihan mo 'yun, lalo na't nasa kolehiyo ka na at iba't ibang mga kurso ang tinatahak ninyo, at dapat iniintindi mo na ang kursong iyon ay kabiyak na rin ng katuparan ng pangarap niya. Wala kang karapatang pagbabaan ng tingin ang pangarap ng isang tao lalo na kung ang taong iyon ay nagpupursiging matupad ang mga ito
- Asahan mo ang pinakamalagim, pinakamahirap at ang pinakamasama.
Sabi nila. Sa tingin ko, okay rin ito. Isipin mo na ang hirap hirap ng eksaminasyon ninyo, isipin mo na mamatay-tao ang propesor mo, isipin mo na impiyerno ang subject na papasukan mo, at mas magiging handa ka. Magandang taktika iyan, lalung-lalo kung ang papasukan mo ay may reputasyon na (nangunguha ng kaluluwa). Isa lang na payo, huwag ka namang magpadala sa reputasyon, ha. Sabi ko, paghahanda lang, pero para pigilan mong gawin ang iyong " 'D BEZT" dahil tuluyan ka na ngang naihi sa takot mo, aba, hindi na tama iyon! Masasanay ka rin naman, pero dahil nga sa pag-asa mong iyon, hindi ka na masyadong magugulat sa mga pangyayari at hindi mo na rin kailangang magbaon ng diapers. Matatagpuan mo ang sarili mong inililihim ang pagkahiya mong terrorized na terrorized ka noong bago ka pa lang.
Pero kung ang inaasahan mo ay nagkatotoo, God bless na lang, pare.
- Dapat alam mo kung ano ang kasalukuyang kalagayan ng komunidad na kinagagalawan mo.
Hindi 'yung paanga-anga ka hanggang sa mapasukan ng langaw ang bibig mo. Bukod sa madalas itong bonus sa mga eksaminasyon mo, ito rin ay katungkulan mo. Dapat alam mo kung sinong pulitiko ang nakapatay na, kung paano nagkakabagsakan ang Amerika dahil sa pangingialam nila sa Iraq, kung paano paano umaangat ang bansang Tsina, kung saan madalas nagkakasunog, kung totoo ang balitang tatanggalin ang mga tambayan sa BioSci dahil malaki ang posibilidad na masunugan ito, hindi lang tungkol sa pagkabuntis ni Jennelyn Mercado, okay?
Obligasyon mo iyon bilang isang indibidwal, dahil doon mo makukuha ang mga bagay na makapagpapabuo ng pagkakakilanlan mo bilang isang Pilipino. Identity mo 'yang pinapanuod mong balita, maging channel 2 o 7, iisa lang ang balitang pinagkukuhanan n'yan. Ang kaunting oras na gugugulin mo sa panonood ng balita ay pagkakataon mo ring malaman kung ano na ang nangyayari sa mga kababayan mo. Aba, hindi lang ikaw ang buhay dito sa Pilipinas. Magiging kasaysayan mo 'yan.
- Positibong disposisyon ang kailangan mo!
Sa hirap ng buhay, sa dami ng pressure (parang artista, ano?), okay lang naman ang magmura, magwala, o magreklamo. Parte lang iyan ng buhay. Huwag mo lang hayaan na balutin ng mga hinanakit mo ang positibo mong disposisyon dahil ito ang kasapi mo lalo na sa pananatili ng iyong katinuan. Mahirap ang mag-aral, lalo na nitong kolehiyo. Wala si Nanay o Tatay na puwedeng mura-murahin ang guro mo 'pag pumalpak ka. Nag-iisa ka na, bata!
Panatilihin mo ang positibo mong pananaw at ang pagiging masayahin mo. Huwag kang magtaray, hindi ka pa menopause. Bagaman naiintindihan ng tao sa unibersidad na pinapasukan mo na mayroon talagang pangit na mga araw, ay dapat hindi ito kasanayan. Pakawalan mo ang hinagpis sa naranasan bagsak na grado, palayasin ang pag-iyak dahil ang pangit mong crush ay mayroong mas pangit na crush, paalisin ang sakit sa dignidad at prinsipyo na dulot ng walanghiya mong propesor. Kaya mo 'yan! Ngiti ka lang, pren! Isipin mo na lang, lahat ay nangyayari dahil may rason sila! Malay mo, sinigawan ka ng prof mo kasi nakatakda siyang madapa bukas!
Ang daling sabihin, ang hirap gawin. Ito ang sikreto sa lahat-lahat ng problema mo sa mundo. Time management. I-balanse mo ang oras ng gimik mo sa oras ng pag-aaral mo at siyempre, ang oras ng pamamahinga mo! Wala akong masabi dito kasi nahihirapan din akong magbalanse at magtakda nang maayos na haba ng oras para sa bawat gawain, pero siguro ay unti-unti ko itong matutunan hanggang sa pagtagal ko dito sa unibersidad na ito. LET'S DO IT!
- Maghanap ka ng tunay na kaibigan.
Mahirap sabihin, lalo na para sa akin na bago pa lang dito. Pero wala akong planong mabuhay nang mag-isa sa kolehiyo ng walang kaibigan o karamay. 'Yung taong iintindi sa iyo, pakikinggan ang sasabihin, makikipaglokohan sa iyo at 'yung taong gagawan mo ng gaya ng hinihingi mo sa kanya. Mahaba pa ang panahon para doon, ngunit sana makita ko talaga 'yung kaibigan na 'yon! :D
Sa ngayon, ito pa lang ang mga bagay na pinag-aaralan. :D Sana nakatulong 'to sa mga taong namomroblema kasalukuyan sa mga acads nila. Karamay niyo ako.
Oo nga pala, ako na ang madaldal.xDD OO NGA PALA, MAS MAKULAY SA MULTIPLY ANG ENTRY NA ITO. ANG HIRAP HIRAP KASI AYUSIN YUNG MGA KULAY. DITO O! http://bubbabubble.multiply.com/journal/item/78/Kolehiyala
|