Kay tagal na noong huling bumisita ako dito sa blog na 'to. Kay dami kasing ginagawa sa paaralan. Di katulad ng buhay hayskul...
Naaalala ko pa rin noon. Kay sarap ng buhay. Wala masiyadong ginagawa, makikinig ka lang....basta wala masiyadong gingawa. Di tulad ngayon, sa sobrang dami ng ginagawa, kay bilis dumaan ng oras. Lumilipad ito, ika nga. Okey sana itong taon na ito. Ngunit nagkaroon ako ng isang problema. Noong simula, akala ko ay kaya ko nang baguhin ang aking sarili. Akala ko, kaya ko nang gawing isang masipag na langgam ang isang tamad na suso. Pero hindi pala. Katulad pa rin ako noong hayskul nang magsimula ang unang term(ino). Ginagawa lahat ng mga kailangan(requirements o pag-aaral para sa isang pagsusulit), kundi isang araw bago, ay sa araw na ng pasahan. Nakakalungkot talaga dahil alam ko sa aking sarili na di hamak na mas maganda ang aking mga marka kung naging mas responsable lamang ako at masipag. Ang pakiramdam ko non ay parang hayskul pa din. Kumbaga ay tinrato kong hayskul ang kolehiyo, na isang kamalian. Nang dumating na ang ikalawang term(ino), sabi ko magbabago na ko, pero mukhang lumala pa ata ako. Isang nakakalungkot at nakakadismayang termino nanaman. At sabi ko rin nang magsimula ang huling termino sa taong ito na magbubuti na ako, pero hindi pa rin. Nangyari lang ang aking pinakaaasam na pagbabago noong nakaraang linggo. Para bang nagising ako sa isang panaginip, kung saan ako ay hayskul pa, at biglang naharap sa buhay kolehiyo. Hindi pa ito kumpleto, dahil umaatake pa rin paminsan ang katamaran, pero naniniwala ako na sa pagtakbo ng panahon ay mabubuo na rin ang transpormasyong ito. Hindi ko sasabihing huli na ang lahat dahil patapos na ang termino, dahil sa aking pananaw, mas mabuti na ang magbago sa nakakabuti kaysa hindi na magbago kailanpaman...
|